4/21/11

Pasaring

...


Magpapasaring lang ako sa Nakaraan.

Isa kang kuwentong hindi ko alam. Maaaring ang dulot mo'y mga ngiti o pighating hindi ko alam ang dahilan. Sa totoo lang, ayaw kitang makilala kasi takot ako sa ulong walang mukha. Takot ako sa mga labing ayaw kong marinig magsalita. Takot ako sa katotohanang nagkaroon ng isang ikaw.

Ayaw kong makilala ang iyong mga mata dahil minsan mo na akong tinitigan at wala akong nagawa kundi pagmukmukan ang isang gunita.

Pero matigas talaga ang ulo ko. Minsan naiisip kong kilalanin ka. Gusto kitang tanungin ng mga detalyeng ipinagdaramot sa akin, pero sigurado akong hindi ko magugustuhan ang iyong mga isasagot.  At sa kabila ng mga ito, hindi ko pa rin iiwasang alamin kung ano ang maaari mong sabihin sa akin. Kung paano at gaano. Kung kailan at kanino. Ikaw kasi ang mga litratong nakatupi sa isang pitaka, pero hindi ka binabanggit. Hindi ka ipinapakita. Isa kang sanaysay na sa isip lamang nakasulat ang mga lugar, pangalan at pangyayari. Gusto ko sanang maging kabahagi mo pero sigurado akong pareho tayong mawawalan ng imik. Lalo na ako.

Dahil isa kang bunyag na sikretong ibinubulong sa akin ng hangin sa tuwing maganda ang sikat ng araw. Ayaw ko ng pakiramdam na iyon. Hindi ako mapakali tuwing humahambalos ka sa aking karupukan. Huwag mo akong kutyain ng iyong pag-iral. Huwag mong ipamukha sa akin na kagagawan ko kung bakit, dahil ayaw ko ng ganoong pakiramdam. Na hindi ako bahagi ng isang Nakaraan.

Alam kong may ligaya kang taglay na itinatago kung saan. At minsan naiisip kong nahuhugot ka paminsan-minsan kapag nagtatampo ang Kasalukuyan. Huwag ka sanang magalit sa akin tuwing kita'y idinidiin sa kasuluk-sulukan ng pag-iisip. Mahirap tanggaping may isang katulad mong kayang magpangiti ng isang pares ng mga labi. Kahit ika'y napaglipasan na ng pagkakataon, ikaw pa rin ay isang alaala.

Bagamat may ibang daan ka nang ginagapangan, sana ay kaya kang mabura sa pag-iisip. At kung hindi, sana sa dulo ng ating mga nilalakaran ay hindi na mag-krus ang ating mga daan. Dahil aminin mo man o hindi, ang tanging mahalaga ngayon ay ang pangkasalukuyan.


...

No comments:

Post a Comment