11/27/10

Singhot Supot (2005)

...


Naninilaw na ang mga ilaw ng poste sa harap ng simbahan ng Sto. Domingo. Ang ingay ng harurot ng mga jeepney sa madilim na Quezon Avenue ay padagsa-dagsa na lamang at ang mga taong kakatapos lamang sumamba ay nangagsi-uwian na upang gumawa nanaman ng iba’t-iba't mga bagong kasalanan para sa isang linggong naghihintay para sa kanila. Muli’t muli, ang kaginhawaang dulot ng pagpapatawad ng Maykapal ay sasalungatin ng imaheng taglay ng simbahan pagsapit ng dilim.

Ang kalsada’y nahubaran na ng mga manggagawang mahimbing nang natutulog habang ang mga palaboy ay naglalatag pa lamang ng kani-kanilang sako’t karton upang matulugan. May mangilan-ngilang naghahalukay ng basura sa may waiting shed upang maghapunan, samantalang nagkukumpulan na ang mga batang kalye sa madidilim na sulok ng Sto. Domingo upang pawiin ang gutom sa pamamagitan ng pagsinghot ng rugby.

Dito makikita ang kabilang pisngi ng iglesia.

Sa harap ng malaking pintuan ng simbahan, isang batang may edad siyam na taon ang mag-isa't pakubang naka-upo habang ang maruruming kamay ay nakapatong sa ibabaw ng kanyang mga payat na hita. Maaaninag sa kanyang namumutlang mukha na hindi pa siya nakakakain sa maghapong nilagi niya sa bakuran ng simbahan. Hindi alintana ang gutom, ang kanyang mga malalalim na mata’y nakapako sa isang puting supot na inililipad ng malamig na hangin.

“Anghel… iyan ang anghel na magliligtas sa akin,” bulong ni Santi sa sarili.

Matagal-tagal na rin nang huli niyang naramdaman ang ngiti sa kanyang mga pisngi, nagmamatiyag sa sayaw ng isang basurang tila nakikipag-waltz sa kawalan. Marahil ito na ang kaniyang paraan upang pansamantalang malimutan ang kalam ng tiyan at nginig ng laman dulot ng gabing nangungulila sa mga bituin.

Limang taong gulang siya nang una siyang mapadpad dito. Bago ang T-shirt at maong, makintab ang mga sapatos at maayos ang pagkakasuklay ng buhok. Araw ng Linggo noon kung kaya’t ang alon ng mga tao’y umaabot hanggang sa bangketa ng Quezon Avenue. Sa bandang gilid ng simbahan ay nakaparada ang mga magagarang sasakyan ng mga deboto habang sa bandang kalsada ay nagkakandabuhol-buhol ang mga pampasaherong jeepney upang magbaba at magsakay ng mga pasahero. Samantala, sa paligid ng simbahan ay hindi mabilang ang mga nagtitinda ng palamig, kakanin, goto, sampagita, mga lobo’t laruan, kandila, panghilot, pamparegla at kung anu-ano pang mga abubot; isinisigaw ang kani-kanilang bentahe, inilalako ang kanilang putahe. Sa ilalim ng sikat ng haring-araw, ang Sto. Domingo ay isang karnibal ng maka-Diyos at maka-mundo.

“Kordero ng Diyos na nag-aalis
ng mga kasalanan ng sanlibutan
Ipagkaloob mo sa amin…
Ang kapayapaan.”

Papasok sa simbahan, mahigpit niyang hinawakan ang kamay ng kaniyang ina habang humahampas ang kaniyang mukha sa hita ng mga taong nais ring makapasok sa loob. Hindi niya marahil mapagtanto kung ano ang ginagawa ng isang limang taong gulang na katulad niya sa isang institusyon tulad ng simbahan gayung wala pa naman siyang kamuwang-muwang sa paghihingi, pagpapasalamat at pagpapatawad.

“…pinagpala ang naparirito,
sa ngalan ng Panginoon…
Hosanna, hosanna sa kaitaasan,
Hosanna, hosanna…sa kaitaasan.”

Gaya ng mga tao sa paligid niya, ipapaubaya na lamang niya sa Maykapal ang hindi maarok ng kaniyang isipan.

Malapit na sa pintuan at litong-lito sa ingay ng mga taong nagsisiksikan, biglang bumitaw ang kamay na kanina lamang ay umaakay sa kanyang maliit na kamay. Bagamat sa dami ng mga taong nakapaligid sa kanya, sa pagkakataong ito lamang niya unang naramdaman kung paano maging mag-isa.

“…maawa ka, maawa ka
sa amin.”

Sa kanyang pagmamatiyag sa puting supot na nagsasayaw, biglang may busabos na dumakma nito at dali-daling tumakbo sa grupo ng mga batang nagkukumpulan upang gamiting lalagyan ng rugby na kanilang sisinghutin sa magdamag. Bagamat hirap na hirap niyang natutunang mamuhay sa loob ng apat na taon sa lansangan ay pilit niyang iniwasan ang grupong iyon. Marahil sa nilagi niya sa simbahan ay nadampian na siya ng kabanalan ng mga pabalik-balik na debotong nagbibigay sa kaniya ng kaunting limos na “pambiling tinapay”.

“Hoy, bakla! Pengeng lima,” wika ni Teod, isang nagtatapang-tapangang batang kalbo na mayroong isang kapansin-pansing peklat sa bandang puyo ng kanyang ulo, kasama ang dalawa pang batang papalapit. Dumukot si Santi sa loob ng kanyang salawal kung saan mayroong naka-ipit na panyolitong kumakalantsing.

“Kanina ko pa kayo hinihintay eh,” malamyang bigkas ni Santi sabay abot sa limang tigpi-pisong barya. “Pasensya na ha, iyan lang nadelehensiya ko maghapon eh. Bukas na lang ako babawi.”

“Bukas ha,” sabay kutos sa ulo ni Santi.

Pangkaraniwan na sa kaniya ang senaryong ito tuwing Linggo ng gabi dahil alam ng mga rugby boys na isa ito sa mga araw na malakas ang panlilimos, lalo na sa isang maliit at payating bata tulad ni Santi. Hindi lamang nila alam na mayroon siyang nakatagong lalagyan sa likod ng confession box sa loob ng simbahan.

Bagamat gusgusin, si Santi lamang ang nakapaglalabas-masok sa simbahan dahil na rin sa alam ng mga katiwala nito na hindi siya kasama sa mga rugby boys. Kung minsan ay inaabutan pa ito ng kura ng tinapay sa tuwing walang ibang batang nakatingin at pinapa-inom ng tubig sa gripo pagsapit ng bandang alas-dos ng tanghali. Dahil dito ay nakaka-ipon siya kahit kaunting barya dangkasi’y meron siyang mahalagang pinaglalaanan ng kanyang mga nalilimos.

Ibinaling niya ang tingin sa may waiting shed kung saan naghihintay ang kaniyang pagtutulugan. Mga kulay pink na tubo, manipis na asul na bubong at malamig na simoy ng maduming hangin ng Quezon Avenue ang aampon sa kaniya ngayong gabi, handog ng bagong pamamahala ng MMDA. Bagamat mas-gusto niya ang pagkakagawa ng mga dating waiting shed sa ka-Maynilaan kung saan mayroong kisame at fluorescent ang bubong, malalapad ang mga kongkretong posteng pananggalang sa hamog at kung susuwertihin ay banyong matutuluyan; ayos na itong tinipid na bahay-bahayan para sa isang nangungupahang walang pambayad.

Ngunit bagamat tahimik ang gabi, ang mga tumutuloy sa waiting shed na ito ay hindi mahihimbing sa pagtulog. Bukod sa disgrasyang maaaring idulot ng mga rumaragasang sasakyan lalo na sa maluwag na kalsada tuwing gabi, isang mata ang laging nakabukas upang matiyagan ang mga rumurondang mga mobil ng pulisya. Mangilang beses na rin siyang nahuli dahil sa bagansya at kung mayroon man siyang ayaw tulugan ay ang prisinto nuwebe na iyon. Hindi naman siya talaga makakatulog sa lugar na iyon dahil bukod sa puno na ang lahat ng higaan, pati ang sahig, uutusan pa siya ng mga presong magmasahe ng kanilang mala-galeri ng mga tato. Minsan pumalag si Teod sa isang preso nang mautusan siyang magbunot ng puting buhok ng isang kosa. Pagkalabas niya matapos ang dalawang linggo ay mayroon na siyang malaking poknat sa kanyang bunbunan matapos iuntog sa namamanghing pader ng kulungan.

Inilapat niya ang kaniyang kaliwang pisngi pasandal sa malamig na posteng bakal at patiklop na ipinatong ang kaniyang hubad na mga paa sa upuan habang ang dalawang kamay ay nakapaloob sa kaniyang kamiseta; naka-ipit sa kaniyang mga kili-kili. Masuwerte siya ngayong gabi dahil lilima lamang silang naghahati sa kanilang tinutulugan. Sa bandang malayo ay si Kapre, isang rugby boy na inabot na ng pagod kakasinghot ng plastik. Sa kanan ni Roni ay si Blidit, isang 15 anyos na pokpok na ginahasa na ng halos lahat ng lalaking palaboy kapalit ng rugby. Sa bandang sulok ng waiting shed ay si Tamud, isang baliw ngunit mabait na taong grasa. Walang nakaka-alam ng tunay niyang pangalan o ng kaniyang pinanggalingan, basta lagi niyang sinasambit ang salitang "tamud" tuwing siya'y kakausapin.

Ilang dangkal mula kay Santi ay si Dolor. Si Dolor na tuwing magdidilim ay hindi dapat malayo sa kaniyang tabi. Si Dolor na kaniyang kahati sa tinapay na bigay ng kura. Si Dolor na minsa’y nagsagip na ng kaniyang buhay.

Matapos tingnan ang apat na kasama sa waiting shed, nilingon ni Santi ang grupo ng mga sumisinghot ng rugby. Nakabulagta nang natutulog ang mga ito, tangan ang mga halos matunaw nang mga supot. Bawat madilim na eskinita ay sinusuyod ng kanyang mga mata, pati na rin ang mga sasakyang nakatigil sa kabilang panig ng kalsada. Napatitig si Santi sa kumukundap-kundap na ilaw ng poste sa kanilang tabi at bumaling kay Dolor.

“Pwede na…,” bulong ni Santi.

Umusog pa siya ng kaunti papalapit kay Dolor. At sa kaniyang pagka-antok, tila tinulugan na rin siya ng kanyang sikmurang kanina lamang ay mahapding kumakalam.


...


­

No comments:

Post a Comment