2/22/10

Inhibisyon



"Nakaka-miss ang dumaldal nang hindi natatakot
na mahusgahan o mapagbintangan ng
kung anong wala naman sa intensyon."


Gusto ko lang naman maging malaya.

Madalas naman ang mga nakakausap ko ay mga taong pinaniniwalaan kong mga tunay na kaibigan (at sana lang, ganun din sila sa akin) kaya naiisip kong okay lang maging malayang maglantad ng mga opinyong pansarili. Na walang intensiyong makasakit ng damdamin, walang intensiyong lumikha ng kaaway. Opinyon nga e. Parang ganun.

Nakakapagpasariwa kasi ng kamalayan ang pagbubunyag ng isipan. Yung papakawalan mo lang sa hangin ang isang ideyang hindi mo na kayang kimkimin sa utak mo o kaya'y bigla na lamang mabibigkas na parang matagal nang nasa subconscious mo. Walang intensiyong magbago ng sistema ng mundo. As is. Ang mayroon lang ay ang intensiyong iparinig at kung susuwertehin ay mabiyayaan ng isa pang opinyon --na kung pagpapalain ay galing rin sa isang kaibigan.

Hindi ka obligadong sumang-ayon o makipag-debate sa isang pumpon ng mga salita. Yun ang aking punto. Isa lamang itong pumpon ng mga salitang kailangan kong sabihin, dahil iyon ang pakinabang ng ating isip at bibig. Hindi naman nating maitatangging kailangang makipagusap ng tao para makilala niya ang kanyang sarili kaya sana'y makagpaubaya kang magamit ko ang espasyong nakalaan para sa akin nang hindi ka magtatampo o magagalit.

May mga panahong magiingay ako dahil marami akong gustong sabihin. Nakakatawa, nakakamangha, nakakainis, nakaka-watdapak. Katumbas nito, may panahon ring matatahimik ako. Siguro para mag-isip ulit ng mga imahe, konsepto at ng kung anu-ano mang maaari ko pang ikuwento o sabihin sa pagdating ng hinaharap. Sa iyo, sa kanya o kahit mismo sa aking sarili. Sana lang ay masakyan natin ang alinman sa dalawang pagkakataong ito kapag ito'y ating madatnan.

Kaya marahil din ay nahihirapan akong makipagkuwentuhan sa mga taong hindi ko kakilala kasi baka hindi nila maintindihan kung ano ang gusto kong sabihin, at bakit ko kailangang sabihin ang kung anuman. Ayaw kong maging mapili sa mga ihahayag ngunit kailangan kong maging mapili sa mga pahahayagan. Lalo na kung iba't iba ang antas ng humor at intelekwal na kapasidad ng mga tao para masabi nila ang pagkakaiba ng pagpapatawa mula sa sarcasm.

Dito na pumapasok ang pagpili ng mga kaibigan o, kung maligalig kang tao, paghahain ng kategorya kung sino at ano ang mga tao sa paligid mo. Pagkilala sa iyong sirkulo. Convenient sana kung wala nang komplikasyong katulad nito pero sa isang introverted na taong katulad ko ay higit na nangangailangan ng pagsasala ang mga pagkakataon.

Sana maintindihan mong ito'y isang napalagong instinct at hindi sinasadyang mekanismo ng pag-iisip. Mahirap makipagtalakayan ang isang taong lumaki sa isang mundong pinalilibutan ng apat na pader at kumakaibigan sa isang telebisyon at ilang pirasong Lego. Kaya't kapag dumating ang panahong kailangan ko nang sambitin ang kung anuman ang nakayanan ng aking mapag-isang pag-iisip, di mo talaga kailangang sumang-ayon o makipagtalo. Ang totoo niyan, kung wala ka sa mood, ipahiram mo lang ang iyong mga taengang maaaring dumamay sa aking bibig.

'Andito ka ay ayos na...


No comments:

Post a Comment