2/6/11

Akwaryos

Naghihintay ako ng ulan noon nang walang pasubaling dumating ang araw. 
Nangako noon ang mga ulap na ibubuhos nila ang lahat ngunit walang dumating. Walang humikbi kundi ang isang batang nangangawil ng kaunti pang pag-asa. Isang bangkang papel na nais bumaybay sa dagat ng kanyang mga luha. Isang alaalang nakasukbit sa balikat ng tadhana.
Tinitigan ko ang araw. Itinaas ko ang aking mga kamay at gumawa ng isang antipara gamit ang aking payat na mga daliri. Sinipat ko ang kanyang nangungutyang ngiti. Ang kanyang mga matang nagsisindi ng kalungkutan sa batang pinagdamutan ng ulan.
Kurot-kurot ang balat ng bakang napapalamanan ng butong pakwan, binatak ko ang goma ng aking tirador at malugod na pinakawalan ang kapiranggot na paghihiganti. Alam kong di siya matitinag. Isa akong tuyot na dahong dinidiligan ng init ng araw. 
Basa ng pawis sa halip ng ambon, hinanap ko ang aking Spartan at sinapinan ang madungis kong mga paa. Sa ilalim ng puno ng malunggay, kinuha ko ang pumpon ng mga batong inipon ko noong umaga't isininsin sa nakasalok na dulo ng aking kamiseta.
Habang binabaybay ang mahabang pilapil ay inihulog ko ang bawat patak ng ulang hindi nakamtan sa lupang nilalakaran.
At sa pagpanaw ng liwanag, iniuwi ko magmuli ang isang supot ng naipong pananabik. Sinalubong ko ang aking panaginip ng mga kulog at kidlat. Nilangoy ko ang bahang umaagos mula sa aking nakahimbing na ulirat. Niyakap ko ang kanyang maiitim na ulap habang gumugulong-gulong sa umaalon kong kobre kama. Walang mainit na araw sa nakapikit na mga mata.
Sana, bukas, bumagyo ng pag-asa...
...
08. 15.08